Kumpiyansa ang mga tax at legal experts na hindi dapat isisi kay presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kabiguan ng kanyang pamilya na bayaran ang kanilang utang na estate tax.
Sa isang panayam, sinabi ni dating Senate President Juan Ponce Enrile na nananatiling pending sa Supreme Court at Court of Appeals ang mga kaso hinggil sa utang na buwis ng mga Marcos.
Si Enrile ay nagturo ng taxation noong college at finance minister noong panahon ni Pangulong Ferdinang Marcos. Mayroon itong Masters of Laws degree mula sa Harvard of Law na may specialized training sa international tax law.
Ipinaliwanag ni Enrile na kailangan maayos muna ang mga kaso bago mag-demand ang Bureau of Internal Revenue (BIR) kina Marcos Jr. at dating first lady Imelda Marcos, na siyang administrators ng family estate, na bayaran ang kanilang tax debts.
Una nang inihayag ng Department of Finance na inatasan nito ang BIR na kolektahin ang unpaid taxes mula sa mga tagapagmana ng yumaong pangulo, na lumobo na sa P203 billion mula sa P23 billion.
Noong Disyembre ay nagpadala ng sulat ang BIR sa mga tagapagmana ni Marcos na nagde-demand na bayaran nila ang kanilang tax dues.
Gayunman, sinabi ni Enrile na ang trabaho ng estate administrator ay “to gather the assets, gather the liabilities, and then establish the plan of partition, sell the assets to pay liabilities.”
Aniya, kung ang administrators ay hindi naibenta ang assets para ma-liquidate ang liabilities, at kung naka-indicate ito sa kanilang tax returns, ibig sabihin, walang umiiral na paglabag.
Samantala, sa kabila ng June 5, 1997 ruling ng Supreme Court sa estate tax liability ng mga Marcos, mayroon pang nakabinbing criminal at civil cases laban sa pamilya at kanilang cronies sa Korte Suprema at sa Sandiganbayan.
Inihayag naman ni dating Internal Revenue Deputy Commissioner Edwin Abella na mayroong magkahiwalay at magkaibang personalidad ang executor at administrator ng estado.
“That is why the estate has a separate TIN [tax identification number],” ani Abella, isang tax law professor at bar reviewer. “It means that the government or the BIR in particular just needs to go after the estate itself.” dagdag pa niya.