Hinamon ng kampo ni dating Senador Bongbong Marcos ang kampo ni Vice President Leni Robredo na lumagda ng isang joint motion na nagwi-withdraw sa lahat ng kanilang mosyon na may kaugnayan noong nakaraang eleksyon.
Ito ay upang maisagawa na ang ‘recount’ at matukoy na kung sino talaga ang nanalo sa 2016 vice presidential race.
Ayon kay Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita ni Marcos, sa pamamagitan nito ay mas mapapabilis ang proseso at diretso nang maisasagawa ang muling pagbibilang sa mga boto upang matuldukan na ang usapin.
Nanindigan din si Rodriguez na ginagawa ito ni Marcos hindi lamang para sa kanyang sarili, kundi para na rin sa mga Pinoy na may karapatan aniyang malaman ang katotohanan.
Una nang ibinunyag ng kampo ni Marcos na nakakita sila ng mga anomalya sa mga ballot images na ibinigay sa kanila ng COMELEC, na nagpapatunay na nagkaroon ng dayaan noong nakaraang eleksyon.
—-