Umaasa ang kampo ni dating senador at tumakbong vice-president Ferdinand ‘Bong-Bong’ Marcos Jr. na aaksyunan na ng Presidential Electoral Tribunal (PET) ang nakabinbing kaso ni Marcos laban kay Vice President Leni Robredo.
Sa panayam ng DWIZ kay Atty. Vic Rodriguez, legal counsel ni Marcos, sinabi nito na bagamat naabutan ng lockdown na epekto ng kasalukuyang pandemya ang kanilang inihaing kaso, ay nais pa rin ng kanilang kampo na aksyunan na ito para matapos na ang isyu.
Paliwanag ni Rodriguez, mahalagang matapos na ang naturang isyu bago pa man maabutan ng panibagong halalan.
Mahalaga kasi, ani Rodriguez, na malaman ng publiko kung sino ang tunay na ibinoto at nanalo bilang bise presidente ng bansa.
The people have a right to know who the real choice is. Sana tapusin natin ito, hindi ito simpleng labanan lang ng nagbabanggaang pribadong interest kundi ito’y mayroong public interest that should be pursued to its final conclusion and to determine the winner last 2016 election for the position of vice president,” ani Rodriguez.
Kasabay nito, ipinimagmalaki rin ng kampo ni Marcos na malayo-layo na rin ang narating ng kanilang electoral protest dahil nalagpasan na nito ang iba’t-ibang masusing proseso ng pet.
Ito ang pinakamatagumpay na election protest, by far, sapagkat ito lang ang election protest sa presidential electoral tribunal na nakatawid ng preliminary conference na nagtuloy sa manual recount and judicial revision,” ani Rodriguez. —sa panayam ng Balitang Todong Lakas
Samantala, iginiit din ng kampo ni dating senador Ferdinand ‘Bong-Bong’ Marcos Jr. na buo ang loob nito na ipaglaban ang isinampang Presidential Electoral Tribunal (PET).
Ayon kay Atty. Vic Rodriguez, ang patuloy na paglaban ng kanilang kampo ay para ipabatid sa publiko ang sensiridad nito na lumabas ang tunay na resulta sa nakaraang eleksyon.
Pagdidiin pa ni Atty. Rodriguez, sana’y mabatid ng PET ang sakripisyo ng dating senador na palabasin ang mga responsable sa naganap na anila’y dayaan.
Si Senator Bongbong Marcos, may pagkakataong kumandidato last year, subalit para patunayan ang kanyang sinseridad na lumabas ang tunay na resulta ng halalan noong 2016, pinagpaliban nya ang kung anumang intensyong politikal,” ani Rodriguez. —sa panayam ng Balitang Todong Lakas