Nilinaw ni Senadora Imee Marcos na hindi wholesale na pagbabalik sa eskwelahan at hindi full in-school schedule ang kanyang isinusulong.
Ito ay sa harap ng pahayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año na hindi dapat magdumali sa pagbabalik ng face-to-face classes dahil kapag anya tumaas ang bilang ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) cases sa eskwelahan, sasagutin daw ba ng mga senador ang gastos sa pagpapagamot ng mga mai-infect.
Giit ni Marcos, hindi naman sa sila ay nadudumali pero kabilang anya ang Pilipinas sa mga huling bansa na hindi ba nagbabalik ang klase sa mga paaralan.
Napatunayan na naman anya na hindi nagiging ‘super spreader’ ng virus ang face-to-face classes basta’t makapagpapatupad ng istriktong health protocol.
Ang nais lang naman anya ng mga magulang, guro , mag-aaral at maging mga komunidad at lokal na lider ay magkaroon na ng opsyon para sa pagsisimula ng kahit isang oras na face-to-face classes ilang araw sa isang linggo bilang bahagi ng blended learning.
Giit ni Marcos, dapat ng magtakda ng parameters ang Inter-Agency Task Force para sa pagbabalik ng klase sa mga eskwelahan, tulad ng infection rate sa lugar, angkop na silid-aralan para sa physical distancing at ventilation, hand washing at istriktong compliance monitoring.
Gayundin, hayaan ang local school boards, LGUs, Department of Education (DepEd), at parent-teacher associations na magdesisyon kung ano ang angkop na kombinasyon ng blended learning sa kanilang lugar. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)