Inilipad na mula Ilocos Norte patungong Metro Manila ang mga labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ngayong araw.
Ito ang kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) at ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sakay ng private chopper, dumating sa Maynila ang mga labi ni Marcos ngayong alas-11:30 at inilibing ng bandang alas-12:00 ng tanghali.
Isang pribadong funeral rites ang isinagawa sa loob ng Libingan kung saan binigyan ng 21-gun salute ang dating Pangulo.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Superintendent Oscar Albayalde hiniling lang ng pamilya Marcos ang isang simpleng libing at ang pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa Libingan.
Sinabi rin ni Albayalde na mahigpit ang ipinatutupad na seguridad sa lugar.
Matatandaang nitong Nobyembre 8, 2016, pinayagan na ng Korte Suprema ang hero’s burial kay Marcos.
Photo: FEM Pres'l Center
‘Protests spark’
By Katrina Valle | Judith Larino | Allan Francisco (Patrol 25)
Kinondena ng iba’t ibang progresibong grupo ang biglaang paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Ayon kay Karapatan Secretary General Cristina Palabay, maituturing na pinakamadilim na araw sa kasaysayan ang ginawang ito ng pamilya Marcos.
Tinawag din ni Palabay na katraydoran at pagtataksil sa bayan ang naturang hakbang.
Tiniyak din ni BAYAN Secretary General Renato Reyes na hindi tatahimik ang kanilang grupo at kanilang itutuloy ang protesta laban sa naturang hakbang.
“Like a thief in the night”
Tila magnanakaw sa gabi.
Ganito ilarawan ni dating Bayan Muna Partylist Representative Neri Colmenares ang ginawang paghahatid sa Libingan ng mga Bayani ng dating Pangulong Ferdinand Marcos ngayong tanghali.
Ayon kay Colmenares, nasorpresa sila sa naturang hakbang na pagpapakita ng kawalan ng sensitivity ng pamilya Marcos.
Dahil dito, sinabi ni Colmenares na hindi talaga tapat ang pamilya Marcos sa isinusulong nitong reconciliation.
Martial Law victims
Hindi papayag ang Martial Law victims na ganun na lamang nailibing sa Libingan ng mga Bayani ang dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ayon kay Akbayan Partylist Representative Barry Gutierrez, nagkakasa na sila ng mga susunod na pagkilos ngayong araw na ito at maging ngayong weekend matapos mabigla sa paghahatid sa LNMB sa dating Pangulo ngayong tanghali.
Sinabi ni Gutierrez na hindi nila matanggap ang nasabing hakbang kayat ilan na rin sa mga kasamahan nila ang nagtungo na sa Libingan ng mga Bayani.