NAMAMAYAGPAG si presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., sa mga Filipino na mayroong cellphone, internet at Facebook access, ayon sa resulta ng Laylo Research survey na isinagawa nitong Marso.
Sa Marso 15 hanggang 22, 2022 Laylo survey, nakakuha si Marcos ng pinakamataas na voter preference na 61 porsyento mula sa 3, 000 respondents na mayroong mobile phones.
Malayong nasa pangalawang pwesto si Leni Robredo na nakakuha ng 18 porsyento, habang pangatlo si Isko Domagoso na may 10 porsyento; Manny Pacquiao, 10 porsyento; at Ping Lacson, dalawang porsyento.
Sa mga respondents naman na mayroong internet access, nanguna rin si Marcos na mayroong 61 porsyento, habang nakakuha naman si Robredo ng 18 porsyento; Domagoso, 10 porsyento; Pacquiao, 10 porsyento; at Lacson, dalawang porsyento.
Si Marcos din ang may pinakamataas na voter preference sa mga respondent na may access sa Facebook matapos Makakuha ng 64 porsyento; Robredo, 17 porsyento, Domagoso 10 porsyento; Pacquiao, apat na porsyento at Lacson, dalawang porsyento.
Matatandaan na sa naturang survey, nakakuha si presidential frontrunner Ferdinand ’Bongbong’ Marcos Jr., ng score na 61 porsyento sa voters’ presidential preference rating at napanatili nito ang milya-milyang kalamangan na 42 porsyento sa kanyang pinakamalapit na katunggali.
Nasa malayong pangalawa si Robredo na mayroon lamang 19 porsyento; Isko Moreno at 9 porsyento, Manny Pacquiao anim na porsyento, Ping Lacson dalawang porsyento, at undecided na dalawang porsyento.
Nanguna rin si Marcos sa Laylo preferential survey sa lahat ng rehiyon. Nag-deliver ang solid north ng pinakamataas na bilang ng voters’ preference rating na 86 porsyento sa Ilocos Region (Region 1), 86 porsyento sa Cordillera Autonomous Region, 84 porsyento sa Cagayan Valley (Region 2), at 62 porsyento sa Central Luzon (Region 3).
Malaki rin ang lamang ni Marcos sa mga probinsya ng Mindanao.
Sa Davao Region (Region 11) at Caraga (Region 13) nakakuha siya ng pinakamataas na 80 porsyento sa dalawang rehiyon, Soccsksargen (Region 12) 67 porsyento, Zamboanga Peninsula (Region 9) 66 porsyento, BARMM 63 porsyento, at Northern Mindanao (Region 10) 55 porsyento.
Nangunguna rin sa demographics si Marcos sa naturang survey.
Nakakuha siya ng 58 porsyentong voters’ preference rating sa Class ABC, 62 porsyento sa Class D, at 58 porsyento sa Class E.
Maging sa trust rating nanguna pa rin si Marcos na mayroong +53, sinundan ni Moreno na mayroong +16, Robredo -9, Lacson -11, at -23 kay Pacquiao.