Inaasahang maglalabas na ng desisyon ang LTO o Land Transportation Office kung tuluyan nang tatanggalan ng lisensya ang actress/beauty queen na si Maria Isabel Lopez.
Ito’y makaraang magviral sa social media ang video ni Lopez na dumaraan sa ASEAN lane nuong Sabado habang naiipit sa matinding trapik ang maraming motorista sa kahabaan ng EDSA.
Kahapon, humarap na sa kay LTO Director Francis Almora ng Law Enforcement Service Division si Lopez para ibigay ang kaniyang position paper at humingi na rin ng tawad sa kaniyang nagawa na itinuturing na breach of security protocol.
Palusot ni Lopez sa LTO, ginamit niya ang Asean Lane para sagutin ang tawag ng kalikasan bilang isa siyang senior citizen at iginiit na hindi lamang siya ang bukod tanging gumawa ng nasabing paglabag.
Nahaharap si Lopez sa mga kasong administratibo tulad ng reckless driving, paglabag sa ADDA o Anti-Distracted Driving Act at disregarding traffic signs.
Maria Isabel Lopez, nag-sorry sa kaniyang pagdaan sa ASEAN Lane
Muling humingi ng paumanhin sa publiko ang actress / beauty queen na si Maria Isabel Lopez makaraang humarap at magpaliwanag ito sa punong tanggapan ng LTO o Land Transportation Office kahapon.
Giit ni Lopez, wala siyang intensyon na lumabag sa inilatag na security protocols nang alisin niya ang mga traffic cones para gamitin ang kabubukas pa lamang na ASEAN lanes nuong Sabado.
Sinabi pa ni Lopez na hindi na sana niya kinausap pa ang isang traffic enforcer ng MMDA kung balak talaga niyang sirain ang security protocol sa halip ay gawin ang anumang naisin niya.
Gayunman, sinabi ni LTO Director for Law Enforcement Service Francis Almora na wala sa tamang pag-iisip si Lopez nang gawin nito ang naturang paglabag dahil sa inilalagay niya sa alanganin ang seguridad hindi lamang ng mga delegadong daraan kung hindi na rin ng publiko.