Tiniyak ni Transportation Secretary Arthur Tugade na mananagot sa batas ang dating beauty queen at aktres na si Maria Isabel Lopez sa kabila ng paghingi nito ng paumanhin matapos dumaan sa designated lane para sa mga ASEAN VIP at delegate.
Ayon kay Tugade, walang sinuman ang nakahihigit sa batas at sa oras na mapatunayan na may nilabag si Lopez ay sasampahan ito ng kaukulang reklamo o kaso.
Inihayag naman ni MMDA General Manager at Transportation Undersecretary Tim Orbos na breach of security ang ginawa ni Lopez na isang malinaw na paglabag sa batas at public safety dahil may mga sumunod sa kanyang motorista.
Naglabas na anya ng show cause order ang Land Transportation Office laban kay Lopez dahil sa pagbaliwala nito sa traffic signs, paglabag sa anti-distracted driving act at reckless driving.