Hindi na pinalagpas ng Kapuso actress na si Marian Rivera ang mga negatibong komento ng netizens.
Kaugnay ito sa ipinost ng Twitter parody ni Yan-Yan na @superstarmarian, na ilang taon na ring aktibo sa social media.
Aniya, hindi na nakakatuwa ang mga ipino-post nito lalo na at may kinalaman na ito sa politika.
Katulad na lamang aniya ng pagkakabanggit nito sa Pangulong Rodrigo Duterte.
Dagdag pa ni Yan-Yan, tanggap niya na ginagawa siyang katatawanan nito pero hindi aniya tamang siraan ang Pangulo gamit ang kanyang pangalan lalo pa at marami itong taga-suporta.
Paglilinaw ng Kapuso actress wala siyang Twitter account at tanging Facebook at Instagram lamang ang mayroon siya.
Gayunman, ang kanyang admin umano ang humahawak ng kanyang Facebook account habang siya naman ang nagma-manage ng kanyang Instagram.