PLANONG isulong ni presidential frontrunner former Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., ang “mariculture” o marine farming upang mas matulungan ang mga mangingisdang makabangon muli mula sa pandemiya kapag siya ang nahalal na susunod na pangulo sa nalalapit na halalan.
Inihayag ito ni Marcos kamakailan sa isang virtual press conference kasama ang mga lokal na mamamahayag sa Bicol at Western Visayas regions kung saan kanyang inilatag ang kanyang mga plano para sa sektor ng agrikultura na isa sa kanyang mga priority program upang makatulong sa mga mangingisda na lubos na naapektuhan ng pandemiya.
“Sa mga mangingisda naman we will develop one of the exciting areas of fisheries that I think we can develop in the Philippines which is mariculture. That is already a very big market that’s very profitable,” sabi niya.
Ang mariculture o marine farming ay ginagawa na sa ibang parte ng bansa gaya sa Pangasinan, ngunit hindi pa ito lubos na pamilyar sa ibang mga mangingisda.
Ito ay ang ang pagsasaka ng isda, shellfish, seaweeds, at iba pang mga organismo sa pamamagitan ng cage farming at sea ranching.
“We are only doing it, I think only in Pangasinan, may mariculture dun, we were producing fingerlings before in Ilocos Norte, dun namin dinadala sa Pangasinan, maganda talaga na possibilities diyan,” sabi ni Marcos.
Aniya ang mariculture ay maaring maging produktibo dahil napapaligiran ang bansa ng sariwang tubig.
“Maraming potential diyan lalong-lalo na, we have more than 7,000 islands, sa palagay ko naman mayroon tayong mahahanap na bagay diyan,” dagdag niya..
Iginiit ni Marcos na mahalaga ang tulong ng pamahalaan upang mapanatili ang pagiging produktibo ng mga mangingisda sa ilalim ng programang ito.
“But all of these new techniques have to be developed and they have to be brought up to our farmers, our fishermen, our livestock raisers, lahat yan kailangan madala natin sa kanila, tapos kapag mag-start ng production, ay dapat may suporta din ang gobyerno,” sabi niya.
Binigyang-diin din ni Marcos ang pangangailangang mabigyan ng buong suporta ang mga magsasaka kaya’t sinisiguro niyang ang kanyang unang gagawin kapag siya ang nahalal ay ang pagpapababa ng presyo ng fertilizers at pagbibigay ng technical at material na tulong sa kanila.
Sabi niya ang isa sa mga susi upang mapabuti ang buhay at kabuhayan ng mga Pilipino ay ang mabigyan ng suporta ng pamahalaan ang sektor ng agrikultura.
Dagdag pa niya, ang sektor ng pangingisda ay makakatanggap din ng higit na kailangang tulong sa ilalim ng kanyang administrasiyon gaya ng pagbibigay ng mga makabagong fishing vessels at mga kailangang kagamitan upang masigurong sila ay makakahuli ng maraming isda at magiging ligtas habang naglalayag sa karagatan.
Bilang bahagi ng sektor ng agrikultura, sinabi ni Marcos na ang mga mangingisda, pati ang mga magsasaka, ay magkakaroon ng mga bago at pinakamahuhusay na pamamaraan at teknolohiya.