Nanawagan si Marikina City Mayor Marcelino “Marcy’ Teodoro sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Manuel Bonoan na agarang tugunan ang nakitang bitak sa paanan ng Marikina bridge.
Matatandaang sa naging pagbisita ni Mayor Marcy kasama ang building at barangay officials, napag-alaman na ang mga nakitang bitak ay dahil sa nagpapatuloy na kunstruksiyon kung saan, walang tigil umano ang pagbabaon ng mga pilot contractor kahit pa nakararanas ng mga pag-ulan sa lugar.
Bukod pa dito, hindi din ito agad ipinagbigay-alam sa Marikina City government kung saan, nalaman na lamang ito nang magsumbong sa tanggapan ng lokal na pamahalaan ang isang concerned citizen.
Nangangamba ang alklade, na posibleng magdulot ng panganib sa mga residente ang pagkakasira ng tulay sa bahagi ng sumulong flood interceptor ng DPWH-National Capital Region.
Sa bisa ng Section 16 ng Republic Act 7160 o ang Local Government Code of the Philippines, kailangang matugunan sa lalong madaling panahon ng mga tauhan ng DPWH ang mga nasira sa bahagi ng tulay upang hindi maharap sa patung-patong na kaso ang ahensya at masiguro ang integridad ng istruktura para sa kaligtasan ng publiko.