Hindi pabor si Marikina City Mayor Marcelino Teodoro na paluwagin ang restriksyon lalo na sa mga bata edad 10 taong gulang.
Magugunitang, pinayagan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) na makalabas o makapamasyal ang mga nasa edad 10 taong gulang hanggang 65 taong gulang.
Sa naging panayam sa DWIZ ni Mayor Teodoro, hindi aniya siya pabor sa ginawang hakbang ng IATF.
Kinakailangan aniya munang ikonsulta ang naturang desisyon sa mga eksperto dahil baka magdulot ito ng pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ako, hindi ako pabor sa ngayon na paluwagin yung restriksyon lalo na sa mga bata na edad 10 hanggang 16. Kailangan ikonsulta ‘yan sa mga experts, sa mga nakakaalam dahil maaaring magdulot ‘yan ng surge o yung muling pagtaas ng bilang ng COVID,” ani Teodoro.
Ayon pa sa alkalde, mas magandang patuunan ng pansin ang gagawing vaccination program para makabuo ng tinatawag na ‘herd o population immunity’ para maproteksyunan ang lahat.
Samantala, ibinahagi ni Mayor Teodoro na nalagdaan na niya ang dalawang non-disclosure agreement at dalawang tripartite agreement mula sa mga pharmaceutical firms mula ibang bansa.
Patuloy pa rin aniya silang nakikipag-usap para sa iba pang bakuna na maaaring makapasok sa Marikina at para rin aniya may pagpilian ang mga residente ng lungsod.