Umapela si Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro sa Department of Health (DOH) na payagang makapag-operate ang kanilang pasilidad na may kakayahang magsagawa ng massive testing kontra COVID-19.
Ito’y kasunod pagtutol ng DOH sa pagpapagana ng lungsod sa kanilang Molecular Testing Laboratory hangga’t wala pang basbas mula sa Food and Drug Administration.
Ayon kay Mayor Teodoro, kinakailangang tingnan ng DOH bilang katuwang ang kanilang lungsod na malabanan agad ang pagdami ng mga nagkakasakit dulot ng nakahahawang virus.
Lubhang kinakailangan na ngayon ng publiko ang nasabing pasilidad dahil sa kulang na kulang ang mga testing kits para sa COVID-19.
Ginawa ng Alkalde ang apela matapos siyang makipagpulong sa mga opisyal ng DOH, Research Institute for Tropical Medicine (RITM), World Health Organization at Marikina City Health Office.