Dumaong ang isang maritime tracking ship ng China sa Sasa Wharf sa Davao City kahapon Agosto 31.
Ayon kay Philippine Coast Guard Davao Commander George Maganto, dumating sa bansa ang maritime tracking ship ng China na Yuanwang- 7 para mag refuel at mag-replenish ng pagkain.
Magkakaroon din aniya ng tour sa Davao City ang mga tripulante ng nasabing barko ng China.
Sinabi ni Maganto na Enero pa lamang nang magsumite ng letter of intent para sa isang goodwill visit ang mga tauhan ng nasabing barko at nito lamang Agosto 23 inaprubahan ng Department of Foreign Affairs.
Kasabay nito iginiit ni maganto na bagama’t isang research vessel ang Yuanwang-7, hindi ito pinapayagang magsagawa ng pag-aaral sa hurisdiksyon ng Pilipinas.
Mananatili ang nasabing barko ng China sa Davao City hanggang Setyembre 3.