Tuluyan nang binasag ng aktres na si Marjorie Barreto ang kanyang pananahimik kaugnay sa mainit na kontrobersiya na kinahaharap ng Pamilya Barreto.
Ito’y makaraang sumabog na naman noong nakaraang linggo ang away ng magkakapatid na Barreto sa mismong burol ng kanilang ama.
Sa isang panayam, isa-isang sinagot ni Marjorie ang lahat ng binabatong akusasyon laban sa kanya ng kapatid na si Gretchen na nauwi sa bangayan ng dalawa.
Kabilang sa mga isinasalaysay ni Marjorie ay ang pagkaka-ugnay ng kapatid na si Gretchen at kanilang pamangkin na si Nicole sa businessman na si Atong Ang.
Limang taon umanong naging boyfriend ni Nicole si ‘Ang’ nang sulutin ito ni Gretchen mula sa pamangkin; bagay naman na una nang pinasinungalingan ni Ang; paliwanag nito, business partners niya si Gretchen at ang long-time partner nitong si Tonyboy Cojuangco at dati aniyang nagta-trabaho sa kanya si Nicole.
Bago pa man, ani Marjorie, dumating si Gretchen sa burol ng kanilang ama ay nakatanggap na ng magkakahiwalay na text messages si Nicole at ina nito mula sa pamilya ni Ang.
Laman ng texts ang pakiusap kung maaari umalis muna si Nicole at kanyang mga kapatid dahil paparating sa burol si Getchen at ang businessman na si Ang.
Dagdag ni Marjorie, napaiyak na lamang si Nicole dito at tila napahiya sa kanilang harapan dahil may mas karapatan aniya siya sa burol ng kanyang lolo.
Parang sampal aniya ito kay Nicole at hindi aniya sa burol ng kanilang ama ang tamang lugar at pagkakataon para gawin ito.
Sinabihan pa aniya si Nicole ng kampo ni Ang na umalis muna dahil magkakaroon ng gulo.
Nilinaw din ni Marjorie na acute respiratory failure ang ikinamatay ng kanilang ama at hindi gaya ng ibinibintang ni Gretchen sa kanya na inatake umano sa puso ang kanilang ama dahil kay Marjorie.