Kinumpirma ng Customs “fixer” na si Mark Taguba na nakipagkita siya sa umano’y ‘Davao Group.’
Ang mga miyembro ng nasabing grupo ay nakaka-transaksyon umano ni Taguba kaugnay sa mga ipinapasok na kargamento sa Bureau of Customs (BOC).
Una nang sinabi ni Taguba na ang mga miyembro ng grupo ay may mga alyas na Small, Tita Nanie at Jack.
Sa pagpapatuloy ng senate hearing ngayong araw kaugnay sa P6.4 billion drug shipment na nakalusot sa bansa mula China, ipinakita ni Senator Antonio Trillanes IV ang larawan ni Davao City councilor Nilo Abellera Jr.
Dito, kinumpirma ni Taguba na si Abellera ay ang tinatawag niyang “Small.”
Sinabi ni Taguba na nakilala nya si Small at Jack sa pamamagitan ng isang Tita Nani na ipinakilala sa kanya ng isang Jojo Bacud.
Nagkita na rin anya sila ni Councilor Small nang magtungo siya mismo sa Davao City upang ibigay ang limang milyong pisong enrollment fee na hinihingi sa kanya kapalit ng proteksyon ng Davao Group sa Bureau of Customs.
Sampung milyong piso rin anya ang hiningi sa kanya ng Davao Group para sa kada container o humigit kumulang sa isang milyong piso kada linggo para sa isandaang containers.
Sa kabila ng kanilang mga transaksyon, bigo si Taguba na ibigay sa komite ang kumpletong pagkakakilanlan kay Tita Nani.
Isang Tita Nani naman mula sa Bureau of Customs ang iniharap ng BOC sa senado subalit iba umano ito sa Tita Nani ng Davao Group.
Dahil dito, inatasan ni Senador Dick Gordon ang NBI o National Bureau of Investigation na hanapin at kung pwede ay kasuhan sina Jojo Bacud at Tita Nani.
Isa si Abellera sa mga inimbitahang resource person ng Senado ngunit bigo itong sumipot sa pagdinig ngayong araw dahil sa hypertension.
Matatandaang sinabi ni Senator Trillanes na “close” umano si Abellera kay presidential son at Davao City Mayor Paolo Duterte na di umano’y nasa likod ng Davao Group.
Pangalan ni Davao City Vice Mayor Paulo Duterte muling nakaladkad
Muling nakaladkad ang pangalan ni Davao City Vice Mayor Paulo Duterte sa pagpapalusot ng mga kargamento sa Bureau of Customs.
Sa salaysay ni Mike Taguba sa senate blue ribbon committee, binasa niya ang text message sa kanya ni Tita Nani hinggil sa hinihingi nitong enrollment fee na limang milyong piso para sa Davao Group.
Kapalit ito ng proteksyon upang hindi masita at mabilis na makalabas ang mga kargamento ni Taguba.
Sa text mesage na binasa ni Taguba, binanggit doon ni Tita Nani na isang nagngangalang Jack ang handler di umano ni Vice Mayor Duterte.
Una nang binanggit ni Taguba sa mga naunang hearing ang pangalang Jack, Tita Nani at Small na kabilang sa nag ooperate na Davao Group sa BOC.
Nakalagay po sa text niya, ‘Good am Mark! We’ll make a final arrangement with Jack, he is the handler of Paolo. Now, we have to advance the enroll. He can fly down to Davao to arrange your meeting with Polong asap. During the meeting you personally turn-over the five million, same manner you likewise turn-over the LMLN to Jack when we meet.
Isa pang grupo ibinunyag
Isa pang grupo na nag o-operate para sa mabilis na paglabas ng mga kargamento sa Bureau of Customs (BOC) ang ibinuyag ng Customs broker na si Mark Taguba.
Ayon kay Taguba, tatlong buwan lamang nagtagal ang kanyang transaksyon sa Davao group na binigyan niya ng limang milyong pisong enrollment fee at halos isang milyong piso kada linggo.
Duda ni Taguba, posibleng hindi nare-remit sa dapat pagbigyan ang ibinibigay niyang pera kada linggo.
Gayunman, muli aniya siyang sinalo ni Tita Nani na nagpakilala naman sa kanya sa grupo ni Colone Allen Capuyan alias Big Brother.
Sinabi ni Taguba na pinadadala lamang sa kanya ni Big Brother sa pamamagitan ng email ang tariff codes na kailangan nya para makapasok sa green lane.