Ipinag – utos na ng Korte na ilipat sa Manila City Jail si Mark Taguba mula sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI).
Sa naging pagdinig ni Judge Rainelda Montesa ng Manila Regional Trial Court (RTC), walang mandato ang nbi na mangalaga sa mga taong isinasailalim sa pagdinig.
Ayon sa Korte, ang Bureau of Jail Management and Penology o BJMP ang naatasan sa batas para mangalaga sa mga ito.
Nangangamba naman ang kampo ni Taguba sa kanyang kaligtasan kung hindi umano siya sa NBI ikukulong.
Si Taguba ang isa sa mga akusado sa lumusot na 6.4 na bilyong pisong shabu shipment sa Bureau of Customs o BOC mula China.
Itinakda ng Korte ang pagbasa ng sakdal kay Taguba sa susunod na linggo, Pebrero 9.
Matatandaang sumuko na sa NBI si customs broker Mark Taguba.
Si Taguba na nasa custody na ng Senado noong isang taon pa ay una nang kinasuhan ng DOJ nang paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 dahil sa importasyon ng iligal na droga.