Iginiit ni ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio na walang batayan ang hinihinging extension ng martial law ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ginawang joint session ng Kongreso, binigyang diin ni Tinio na undercontrol na ang rebelyon sa Mindanao kayat wala na aniyang pangangailangan para palawigin pa ang batas militar sa rehiyon.
“Matatapos po ba ang rebelyon sa Mindanao sa loob ng isang taon? Tanong ni Tinio
“Yan po ang objective ng ating armed forces na tapusin ang rebelyon sa Mindanao sa loob ng isang taon.” Sagot ni Defense Secretary Lorenzana
“July 2006, si Pangulong Arroyo ay nag-utos sa AFP na tapusin daw ang rebelyon in 2 years time, alam natin na sa halip na natapos ay lalong lumaganap at lalong lumakas. Narinig na natin ang ganitong argumento mismo ni Pangulong Duterte ang sabi niya bigyan niyo ko ng tatlong buwan, tapos bigyan niyo ako ng 6 na buwan, sabi niya tatapusin ko ang problema ng droga sa panahong ito, eventually sinabi niya hindi natin matatapos, ngayon po ganyan din ang naririnig natin, kung pagbibigyan natin ang kahilingan ng Pangulo papayag tayo na basta may rebelyon ay may martial law, argumento ito para sa walang hanggan at walang katapusang martial law.” Ani Tinio
Nanindigan si Tinio na bigyan man ng isang taong extension ng martial law ang pamahalaan ay hindi pa rin aniya matatapos ang gulo sa Mindanao.
“Ang makakatapos po nito ay ang pagtugon sa mga ugat, hindi po ito makukuha ng martial law, ang ugat po ay kahirapan, kawalan ng lupa ng mga magsasaka, ang pang-aapi sa Moro, sa mga Lumad, kawalan ng trabaho at malaking agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap.” Pahaayg ni Tinio
Kasabay nito, kinuwestyon din ni Buhay Party-list Representative Lito Atienza ang batayan ng hinihinging isang taong pagpapalawig sa umiiral na martial law sa Mindanao ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ginanap na joint session ng Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso, iginiit ni Atienza na batay sa isinasaad ng konstitusyon maaari lamang magdeklara ang pangulo ng martial law nang hanggang sa animnapung (60) araw.
Binigyang diin pa ni Atienza na hindi maaaring mas mahaba ang hinihinging extension sa orihinal na animnapung (60) araw na idineklarang martial law.
“How and where are you getting the authority of asking 1-year extension from the 60-day original declaration? How can it be longer than the original? Iniikutan ninyo ang probisyon ng 60-day martial law extension.” Ani Atienza
Ipinunto naman ni Senior Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra na pinapayagan sa konstitusyon ang indefinite period ng martial law at nakadepende lamang sa magiging desisyon ng Kongreso.
Iginiit naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana hindi na nila nais na magpabalik-balik pa sa Kongreso sakaling hindi nila matugunan ang problema sa seguridad sa Mindanao sa maikling panahon lamang ng martial law.
By Ralph Obina / Krista de Dios