Nagkakaisa ang mga Liberal Party (LP) senators sa pagsasabing walang sapat na basehan o constitutional basis ang hirit ni Pangulong Rodrigo Duterte na isang taong martial law extension sa Mindanao.
Kasunod ito ng isinagawang briefing ng security officials ng pamahalaan sa mga senador ngayong Martes.
Ayon kay Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon, hindi batayan ang argumentong patuloy na security threat sa Mindanao at pagkakaroon ng psychological impact sa security forces kapag may umiiral na batas militar.
The Liberal Party will take a position on the extension of the martial law, we will take the position that there is no legal or constitutional basis to extend martial law.
- Pahayag ni Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon
Samantala hinimok naman ni Senador Bam Aquino ang iba pang mga tumututol sa batas militar na ipabatid sa publiko ang mga dahilan kung bakit hindi karapat – dapat na suportahan ang batas militar.
Sa ngayon po, importante pa rin na ‘yung ibang tumututol dito kailangan magsalita man lang at i-explain kung bakit, sa tingin namin hindi karapat – dapat po ‘yung extension for one year.
- Pahayag ni Senador Bam Aquino
Lagman: Martial law extension mukhang mamadaliin
Hindi na magtataka si Congressman Edcel Lagman kung magsilbing ‘rubber stamp’ ng Malakanyang ang Kongreso kapag naaprubahan na ang isang taong extension ng martial law sa Mindanao.
Ito ayon kay Lagman ay dahil isang araw lamang ang itinakdang debate para sa kahilingan ng Pangulo na palawigin ang batas militar sa Mindanao region.
Sinabi pa ni Lagman na mukhang mamadaliin din ang martial law extension dahil itinaon ang joint session sa huling araw ng sesyon para dito.
Nangangamba si Lagman na maisasakripisyo lamang dito ang konstitusyon para sumunod sa dikta ng Pangulo.