Naniniwala ang militar na malaking tulong sa kanila ang implementasyon ng Martial Law sa Mindanao para lubusang ma-control ang galaw ng mga armadong grupo na nagbabalak na sumanib sa namemeligro nang malagas na Maute group sa Marawi City.
Ayon kay AFP Spokesman, Maj. Gen. Restituto Padilla, sa pagpapatupad ng batas militar masusi nilang namomonitor ang mga nangyayari sa Western Mindanao Command.
Partikular anyang tinututukan ang Maguindanao, Cotabato at ilang bahagi ng Lanao provinces.
Batay sa monitoring ng AFP-WESTMINCOM, patuloy ang pagkilos sa mga nabanggit na lugar ng grupong B.I.F.F. na nagbabalak na makipag-sanib pwersa sa Maute.
Kabilang din sa kanilang binabantayan ang Basilan, Jolo at Tawi-Tawi na pinamumugaran ng armadong grupo na Abu Sayyaf.