Nagpasaklolo ang Pinay drug convict na si Mary Jane Veloso kay Pangulong Rodrigo Duterte para mailahad nito sa Korte dito sa Pilipinas ang kanyang testimoniya.
Kaugnay ito sa kasong isinampa ng pamilya Veloso laban sa mga recruiter ni Mary Jane na sina Julius Lacanilao at Maria Cristina Sergio na nanloko umano sa kaniya kaya siya nakulong sa Indonesia dahil sa pagdadala ng iligal na droga.
Batay sa inilabas na pahayag ni Mary Jane kasabay ng kaniyang ika-33 kaarawan nitong Miyerkules, Enero 10, sinabi nito na nais niyang mabunyag ang katotohanan at maparusahan ang mga taong may tunay na nagkasala.
Bagama’t batid ni Mary Jane na galit ang Pangulo sa mga sindikatong nasa likod ng operasyon ng iligal na droga para sa kabutihan ng lahat, iginiit niya na paano aniya masusugpo ang iligal nagawain kung may mga inosenteng nadiriin dito.
Una nang nanawagan ang isang obispo ng Simbahang Katolika sa Court of Appeals (CA) na payagan ang Nueva Ecija Metrpolitan Trial Court na makuhanan ng salaysay ang Pinay drug convict na si Mary Jane Veloso mula sa Indonesia.