Kinokonsidera na ng Indonesia ang pagpapabalik sa Pilipinas ng Filipina death row inmate na si Mary Jane Veloso.
Ayon sa inilabas na ulat ng Indonesia Coordinating Ministry for Legal, Human Rights, Immigration and Correction, kasalukuyan nilang kinokonsidera ang option na ‘transfer of prisoner’ sa nasabing inmate bilang bahagi ng constructive diplomacy nito.
Dagdag pa nito, nakipag-diskusyon na ang Coordinating Minister ng Indonesia na si Minister Yusril Ihza Mahendra kay Philippine Ambassador Gina Alagon Jamoralin kung saan binigyang-diin nito na pinapahalagahan ng Indonesia ang legal sovereignty nito at tapat itong ipatupad ang mga parusang ipinataw ng korte laban sa mga ito.
Sinabi rin ni Yusril na gumagawa na sila ng mga polisiya na makakalutas sa isyu ng mga dayuhang inmates sa kanilang bansa sa pamamagitan ng bilateral negotiation o transfer of prisoner.
Gayunman, inaasahang susundin pa rin ng Pilipinas ang desisyon ng korte sa Indonesia at ibibigay ang kaparehong sintensya kay Veloso bilang parte ng reciprocal cooperation sa pagitan ng dalawang bansa. - sa panulat ni Alyssa Quevedo