Kahalagahan ng edukasyon.
Ito ang itinuro at binigyang diin ng Pinay drug convict na si Mary Jane Veloso sa kanyang mga anak sa ikalawang araw ng pagbisita ng pamilya nito sa kanyang kulungan sa Indonesia.
Pinayuhan ni Mary Jane ang panganay na anak na si Mark Daniel na ngayo’y nasa Grade 8 na, na gawing prayoridad ang pag-aaral.
Idinagdag nito na huwag sayangin ang mga natatanggap nilang tulong para sa magandang edukasyon.
Aniya, hindi biro ang pinagdaanan niyang hirap para lang makatapos, na sa pamamagitan ng determinasyon na matuto ay naging consistent honor student siya mula elementarya hanggang high school.
Sinabi din ni Mary Jane na ang edukasyon ang susi para sa magandang kinabukasan ng pamilya at ng komunidad.
Samantala, nakatakdang muling magkita ang pamilya Veloso at si Mary Jane ngayong araw.
Sinabi ng ina nito na si Celia Veloso na sana’y agad nang mapalaya ang anak at umaasa siyang makasama at maiuwi na ito sa Pilipinas.
Bibisita naman ang pamilya Veloso sa ilang Indonesian organizations na sumuporta kay Mary Jane para personal na magpasalamat. Nagsuot din sila ng ‘batik’ upang ipahayag ang kanilang pasasalamat sa mga Indonesians.
*Photo Courtesy of: Migrante