Pinayuhan ng Department Of Health (DOH) ang Commission on Elections na pag-isipang maigi ang pagpayag na makaboto nang personal ang mga nagpositibo sa COVID-19 dahil maaaring magkaraoon ng hawaan.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, batid naman ng lahat na maaaring makahawa ng ibang tao ang isang COVID-19 positive patient.
Umaasa si Vergeire na makapag-iisip ng ibang paraan ang COMELEC upang maisagawa ang pagboto ng mga pasyenteng may covid nang hindi makahahawa ng iba.
Isa anyang paraan na maaaring ikonsidera ang pagboto sa pamamagitan ng text messages o iba pang pamamaraan na gagamitan ng electronics.
Una nang inihayag ng COMELEC na magtatayo sila ng polling centers sa mga isolation center upang makaboto pa rin ang mga COVID positive na nakararanas lamang ng mild na sintomas o asymptomatic.—sa panulat ni Drew Nacino