Inirekomenda na ng Joint Task Force Bora ang pagpapasara sa isla ng Boracay simula Abril 26 ng taong ito para masimulan na ang isasagawang rehabilitation efforts sa lugar.
Iyan ang nakapaloob sa isinumiteng liham na nilagdaan ng tatlong kalihim sa pangunguna ni DENR Secretary Roy Cimatu, DOT Secretary Wanda Teo at DILG Officer-in-Charge Eduardo Año kung saan, tatagal ng anim na buwan ang pagsasara sa isla.
Paliwanag ni Cimatu, mismong ang Tourism Department ang nagmungkahing agahan ang pagpapasara sa Boracay upang maagapan ang inaasahang pagdagsa ng mga turista para sa taunang ‘Labor-racay’ event tuwing Mayo 1.
Magugunitang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na suportado niya ang mungkahing isara sa loob ng anim na buwan ang isla ng Boracay para isailalim sa rehabilitasyon makaraang tawagin itong cesspool ng Pangulo.
Una rito, inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque na maaari pa ring magtungo sa Boracay ang mga turista ngayong Holy Week at mananatili umano itong bukas sa panahon ng tag-init.
—-