Tiniyak ng PAGASA ang pagkakaroon ng improvement sa kanilang Weather Forecasting at Early Warning Systems sa gitna nang magkakasunod na pananalasa ng mga bagyo sa bansa.
Sa katunayan inihayag ni Dr. Esperanza Cayanan, Deputy Administrator for Research and Development ng PAGASA, na nagsasagawa na sila ng pilot study sa impact-based forecasting at warning services sa Metro Manila at Metro Cebu.
Layunin anya nito na mabawasan ang epekto ng mga weather-related hazard, gaya ng flashfloods at landslides.
Ayon kay Cayanan, kailangan talagang magkaroon ng improvement sa typhoon forecast advisories na dapat ipatupad sa lalong madaling panahon.
Tinukoy din ng PAGASA official ang malaking “gap” sa aspeto ng koordinasyon sa mga Local Government Unit, partikular sa pag-detect sa tumataas na water level sa ilang bahagi ng bansa.
Para anya ma-detect ang water levels, inaayos na ng pagasa ang early flood warning systems nito sa ilang lugar lalo’t kada tatlong oras nag-i-issue sila ng heavy rainfall warnings.
Matapos naman ang pitong taon simula nang isabatas ang PAGASA Modernization Act, tinukoy ni Cayanan ang ilang improvements sa ahensya gaya ng pagkakaroon ng 102 Automatic Weather Stations at 28 Lightning Detection Systems.
Gayunman, aminado ang PAGASA official na may kakulangan pa rin sila sa mga personnel kaya’t inirekomenda na rin niya ang pag-ha-hire ng karagdagang tauhan.