Naniniwala si Department of Finance (DOF) Secretary Ralph Recto na patunay ang mabagal na inflation noong Agosto na epektibo ang mga ipinatutupad na interbensyon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ginawa ni Sec. Recto ang pahayag kasunod ng ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumaba sa 3.3% ang inflation rate sa bansa noong Agosto.
Tiniyak naman ng kalihim sa publiko na kayang panatilihin ng administrasyong Marcos ang pagbagal sa galaw ng presyo ng mga bilihin.
Kaugnay nito, ibinahagi ni Pangulong Marcos na palalawakin pa ang Kadiwa ng Pangulo program sa Visayas at Mindanao, kasabay sa rollout ng African Swine Fever (ASF) vaccine, upang masigurong abot-kaya ang mga pagkain.
Ayon sa pangulo, kabilang ang mga ito sa mga konkretong hakbang na ginagawa ng pamahalaan upang matiyak na makakamtan ng bawat Pilipino ang mas kumportableng buhay.