Ibinabala ng Department of Transportation o DOTr ang mas malalang daloy ng trapiko sa pagpasok ng bagong taong 2018.
Ito’y ayon kay DOTr Undersecretary Tim Orbos ay sa sandaling simulan na ng pamahalaan ang kaliwa’t kanang infrastructure projects sa ilalim ng build, Build, Build Program ng administrasyong Duterte.
Kabilang sa mga ito ayon kay Orbos ay ang Light Rail Transit (LRT) Line 1 extension project mula Baclaran patungong Bacoor, Cavite gayundin ang mga dagdag istasyon ng LRT Line 2 maging ang Metro Rail Transit (MRT) Line 7 na sinimulan na ngayong taon.
Asahan na din ang mas malalang daloy ng trapiko sa bahagi ng CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas and Valenzuela City) area sakaling simulan na din ang konstruksyon ng North Luzon Expressway (NLEX) Harbour Link Segment 10 na mag – uugnay sa Caloocan City at iba pang mga tulay sa Metro Manila.
Idagdag na din diyan ayon kay Usec. Orbos ang kauna – unahang metro Manila Subway na nagkakahalaga ng mahigit tatlongdaang bilyong piso (P300-B).
Dahil dito, nakikipag – ugnayan na ang DOTr sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metro Manila Development Authority (MMDA) kung paano nila aayusin ang daloy ng trapiko pag nagsimula na ang mga naturang proyekto.