Muling ibinabala ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA sa publiko ang mas mabigat na daloy ng trapiko sa Metro Manila lalo sa EDSA ngayong taon.
Ayon kay MMDA Spokesperson Celine Pialago, sa EDSA na mayroong dalawangdaan animnapung libong (260,000) sasakyan lamang ang kapasidad, tumaas sa tatlongdaan limangpo’t pitong libo (357,000) ang mga motoristang dumadaan dito.
Inaasahang lolobo pa aniya sa apatnaraan at dalawang libo 402,000 ang bilang ng sasakyang daraan kada araw sa EDSA.
Noon lamang Setyembre, limangpung libong (50,000) bagong sasakyan ang nagparehistro sa Land Transportation Office o LTO dahil marami umano ang nagmadaling makabili bago mapatawan ng bagong excise tax rates.
Nakikiusap naman si Pialago sa publiko na makipag – tulungan sa mga otoridad para maisaayos ang daloy ng trapiko sa pamamagitan ng pagpahaba ng pasensya dahil dumami ang sasakyan ngunit hindi naman dumami o lumawak ang mga daan.
MMMDA sa Build, Build, Build Program
Aminado ang MMMDA na magiging pahirapan ngayong taon ang pagsasaayos ng daloy ng trapiko.
Ito’y dahil sa kaliwa’t kanang infrastructure project sa ilalim ng Build, Build, Build Program.
Ayon kay MMMDA Spokesperson Celine Pialago, labingdalawang (12) tulay ang itatayo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ngayong 2018.
Kabilang sa mga proyektong matatapos ngayong taon ang NLEX harbor Link Project Segment 10 na inaasahang magpapaluwag ng biyahe sa EDSA.
Ani Pialago, ang tangi nilang magagawa sa ngayon ay maging mas istrikto sa pagpapatupad ng batas trapiko.