Isinusulong sa Kamara ang panukalang batas na naglalayong patawan ng mas mabigat na parusa ang mga nagpapakalat ng fake news.
Ayon kay Camarines Sur Representative Raymund Villafuerte, may akda ng House Bill 6022, layunin nito ang matigil ang pagkalat ng mga gawa-gawang balita na pinaniniwalaan ng publiko bilang lehitimong impormasyon.
Dagdag ni Villafuerte, makatutulong din ang nasabing panukala para sa pagsusulong ng responsableng pamamahayag.
Nakasaad sa nasabing panukalang batas, sinumang mapatunayang nagimbento at nagpakalat ng pekeng balita ay pagmumultahin ng hanggang limang daang libong piso at pagkakakulong ng hanggang anim na araw.
Habang, ang mga media companies na mapatutunayang gumawa ng pekeng balita ay maaaring masuspinde ang operasyon at mapagmultahin ng aabot sa limang milyong piso.