Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang batas na patawan ng mas mataas na multa o parusa ang sinumang mahaharap sa kasong perjury o magbibigay ng pahayag na pawang kasinungalingan kahit ito ay nanumpa.
Sa ilalim ng Republic Act 11594, ang sinumang manggagawa o opisyal ng gobyerno na mapapatunayang nagkasala ng perjury ay mahaharap sa mas mataas na parusa na prision menor sa minimum period hanggang prision mayor sa medium period mula anim na taon at isang araw hanggang sampung taon at isang araw na pagkakakulong.
Pagmumultahin din ang may sala ng isang milyong piso at perpetual disqualification mula sa paghawak ng anomang posisyon sa gobyerno.
Una nang sinabi ni Senador Richard Gordon, sponsor ng nasabing panukalang batas, na layon nito na mapigilan ang sinumang magsisinungaling habang tumitistigo sa anomang paglilitis tulad ng legislative hearing.
Makatutulong din umano ito para tugunan ang isyu ng mababang conviction rates sa mga taong kinasuhan ng perjury.—sa panulat ni Hya Ludivico mula sa ulat ni Jenny Valencia-Burgos