Pinamamadali ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa senado ang pagpasa sa panukalang batas na magpapataw ng mas mabigat na parusa sa kasong economic sabotage.
Sa liham na ipinadala kay Senate President Juan Miguel Zubiri, sinertipikahan ng Pangulo bilang urgent ang Senate Bill No. 2432 na layuning lumikha ng anti-agricultural economic sabotage council.
Sa ilalim ng bill, ituturing na economic sabotage ang pagpupuslit ng mga gulay, karne, isda at iba pang agricultural products, gayundin ang sobra-sobrang importasyon at pang-iipit ng mga kalakal.
Layunin din ng panukala na i-repeal o ipawalang-bisa ang Republic Act No. 10845 o Anti-agricultural Smuggling Act of 2016.
Nakasaad sa bill na ang mga mapatutunayang dawit sa smuggling, hoarding, profiteering, at pagka-cartel ng agricultural at fishery products ay papatawan ng habambuhay na pagkakakulong at pagmumultahin ng triple sa halaga ng mga sangkot na produkto.
Wala ring piyansa ang kasong ito.
Ang isang opisyal o empleyado ng pamahalaan na mapatutunayang sangkot sa pagsasakatuparan ng economic sabotage ay papatawan ng perpetual disqualification o hindi na papayagang humawak ng anumang posisyon sa gobyerno, bumoto, tumakbo sa halalan, at tatanggalan din ito ng monetary at financial benefits bilang taong gobyerno.