Iginiit ni Press secretary Atty. Trixie Cruz-Angeles na hindi na kailangan pang ipag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagpapabilis ng imbestigasyon ng bansa hinggil sa war on drug cases ng Administrasyong Duterte.
Kasunod na rin ito ng naging pahayag ng Pangulo na hindi na muling aanib ang Pilipinas sa Rome Statute na siyang nagtatag ng International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Angeles, ang pagpapabilis sa proseso o pagdinig sa mga kaso ay bahagi na talaga ng proseso ng justice system sa bansa.
Sinabi ng Kalihim na sakaling magkaroon ng political impact hinggil sa hindi na muling pagsali ng Pilipinas sa Rome Statute ay magiging issue na ito ng soberanya.
Binigyang diin naman ng Kalihim na gumugulong na ang sariling imbestigasyon ng Pilipinas kaugnay sa kasong may kinalaman sa war on drugs ng nagdaang administrasyon.