Mas maigi kung matatapos na ang krisis sa Marawi City at wala nang umiiral na martial law sa Mindanao, bago ang SONA o State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay ayon kay Senador Chiz Escudero, upang ang lalamanin ng SONA ng Pangulo ay hinggil sa ipatutupad na mga hakbang para sa rehabilitasyon at rekonstruksyon ng Marawi City.
“Siyempre, mas maganda kung pagdating ng SONA ay tapos na ang krisis, lifted na ang martial law, at pwede nang sabihin sa whole ‘moving forward’ yung dapat nilang gawin para ma-rehabilitate ang Marawi at pagpapatuloy ng mga programa kaugnay ng infrastructure at ekonomiya kaysa naka-focus padin doon sa ongoing”
Gayunman, pinayuhan ni Escudero ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na huwag piliting tapusin ang krisis sa Marawi City para lamang makatugon sa itinakdang deadline.
Ito aniya ay upang hindi malagay sa peligro ang buhay ng mga otoridad.
“Sa pagnanais nila na magkaroon ng panibagong deadline na naman tulad noong Independence Day deadline, sana ay huwag naman nilang ilagay sa alanganin yung buhay ng ating mga kasundaluhan”
By Krista De Dios | With Report from Cely Bueno