Mas magandang Boracay pa ang dadatnan ng mga turista sa soft opening nito sa October 26.
Ayon kay Nenette Graf ng Boracay Foundation Inc., tuloy-tuloy ang construction sa Boracay lalo na ang pagsasaayos ng mga kalsada.
May mga inilalatag na aniya silang pagbabago upang lalong mapagaan ang isla ng Boracay.
Kabilang aniya rito ang pagpapauwi sa mainland ng mga manggagawa at pagtiyak na maipapako sa anim na libo (6,000) araw-araw ang bilang ng mga turistang nasa isla.
“Kailangang isaayos ‘yung kanilang mga tirahan kasi ang gusto ng gobyerno ay sa mainland na sila tumira para ma-maximize ang tinatawag nating carrying capacity sa mga turista.” Ani Graf
Una nang idineklara ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ligtas na ang maligo sa karagatan ng Boracay.
Humigit kumulang sa isandaan at limampung (150) business establishments na rin ang nakasunod sa mga panuntunan lalo na sa isyu ng sewerage system.
Ayon kay Graf, may mga inilalatag rin silang panukala kung paano malilimitahan ang mga basura sa Boracay lalo na ang plastic.
“Sa mga hotels usually binibigyan ka ng lahat, tsinelas, toothbrush, shower soap, ngayon po iba-ban na ‘yan, single use kasi lahat nang ‘yan, nung araw po tsinelas pa lang truck truck na.” Pahayag ni Graf
(Balitang Todong Lakas Interview)