Pabor ang Department of Education (DepEd) sa panukalang mas higpitan pa ang paggamit ng Electronic Nicotine Delivery Systems o ENDS na mas kilala rin sa tawag na e-cigarettes o “vapes.”
Ginawa ni Education Secretary Leonor Magtolis Briones ang pahayag bilang suporta sa pagdinig ng Senado ukol sa ilang probisyon ng Vaporized Nicotine Products Regulation Bill na nakatuon sa age restriction, online trade, product flavors, at iba pa.
Giit ni Briones, hindi sapat ang edukasyon upang maiwasan ng mga estudyante ang vapes o E-cigarettes kundi mahalaga ang mahigpit na polisiya o regulasyon at batas na may kaugnayan dito.
Sa ilalim ng mga panukala na nakabinbin sa Senado, ibinaba sa 18 taong gulang ang ‘minimum age of restriction’ mula sa 21 taong gulang na nakapaloob sa Republic Act No. 11467 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong January 2020.