Pinag-aaralan na ng MMDA na higpitan ang mga patakaran sa paggamit ng E-bikes at E-scooters matapos ang mga napaulat na insidente noong isang taon.
Ayon kay MMDA Traffic Discipline Office for Enforcement Head Victor Nuñez, medyo maluwag ang ahensiya sa pagpapatupad ng Administrative Order 2021-039 ng Land Transportation Office.
Ito’y sa gitna ng binawasang public transportation capacity, noong isang taon.
Pero dahil balik na anya sa 100% ang mass public transport at mag re-resume na rin ang face-to-face class, posibleng maraming mga estudyante ang gumamit ng E-bikes at E-scooters kaya’t nais nilang i-promote ang road safety.
Sa ilalim ng A.O. 2021-039, ang E-vehicles na may maximum speed na 50 kilometers per hour ay required na magparehistro sa LTO.
Ang mga E-vehicle user ay dapat magkaroon ng driver’s license, dapat limitado lamang sa bicycle lanes, barangay roads at bawal dumaan sa mga major thoroughfares, maliban kung tatawid lang.
Noong nakaraang taon, nakapagtala ang MMDA ng 346 road crashes na kinasangkutan ng E-vehicles sa kahabaan ng mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.