Nagkasundo ngayon ang Bureau of Customs at ang Animal Industry Bureaus na paigtingin pa ang ipinatutupad na regulasyon sa mga pantalan upang mapigilan ang posibleng pagpasok ng African swine fever sa bansa.
Sa isinagawang pagpupulong ng BOC-Manila International Container Port at National Veterinary Quarantine Service, napagkasunduan ng mga ito na bumuo ng joint policy para mas higpitan pa ang pagmonitor at pagkontrol sa pagpasok ng mga imported na karne mula sa mga bansa na may kaso ng virus.
Kabilang sa mga bansang ito, ang Belgium, Bulgaria, China, Czech Republic, Hungary, Latvia, Moldova, Poland, Romania, Russia, South Africa, Ukraine at Zambia.
Ayon sa dalawang ahensya ng gobyerno, nakikipag-ugnayan na sila sa association of international shipping lines upang ipaalam ang ipinatutupad na ban o pagbabawal na makapasok sa Pilipinas ang mga meat products mula sa mga nabanggit na bansa.