Nagsimula nang ipatupad ng iba pang mga kalapit na probinsya ng Metro Manila ang mas mahigpit na restriksyon sang-ayon sa General Community Quarantine (GCQ) with heightened restriction.
Sa bahagi ng Malolos sa Bulacan, naipon ang ilang mga sasakyan matapos ang paghihigpit para suriin ng mga kapulisan ang kani-kanilang mga dokumento.
Habang sa Dasmariñas sa Cavite naman ay dalawang lugar ang isinailalim sa lockdown bunsod ng pagsipa ng aktibong kaso ng COVID-19.
Sa Pampanga naman ay ipinatupad na ang mas striktong panuntunan para maiwasan ang hawaan ng COVID-19 delta variant.
Simula ngayong araw, Agosto 2 hanggang Agosto 15 ay kakailanganin na ng mga indibidwal na hindi residente ng probinsya na magprisinta ng negatibong RT-PCR at antigen test result.
Hindi na rin pahihintulutan ang pagdaraos ng mga kasiyahan at pagtitipon.
Gayundin ang paglabas ng mga menor-de-edad at mga senior citizen.