Inatasan ni Pangulong Benigno Aquino III si Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya na paigtingin ang seguridad sa mga matataong lugar sa bansa.
Ito’y kasunod ng nangyaring pagpapasabog sa paliparan at subway sa Brussels, Belgium na ikinasawi at ikinasugat ng mga inosenteng sibilyan.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, dapat doblehin pa rin ang pag-iingat kahit mahigpit na ang mga ipinatutupad na seguridad upang maiwasang malusutan ng mga masasamang loob.
Kabilang na sa mga pinatututukan ng Pangulong Aquino ang pagsasagawa ng vehicle checkpoints, x-ray screening at inspection sa mga tao at bagahe na tutulak sa mga paliparan, pantalan at terminal ng bus sa bansa.
Sa panig naman ni Abaya, sinabi nitong kasalukuyan nang nagpapatupad ng mataas na lebel ng seguridad ang mga ahensya ng pamahalaan sa pamamagitan ng mas malawak na visibility ng mga uniformed personnel.
Alert level
Nananatili sa kasalukuyang alert level ang pulisya at militar bunsod ng naganap na mga pambobomba sa Belgium.
Umabot na sa halos 40 ang nasawi at mahigit 100 iba pa ang sugatan dahil sa tatlong magkakahiwalay na pagsabog sa Brussels airport at subway.
Ngunit ayon sa mga pamunuan ng Philippine National Police (PNP) at ng Armed Forces of the Philippines (AFP), hindi na kailangang itaas ang alert level mula sa kasalukuyang estado nito.
Sinabi ni AFP Brigadier General Restituto Padilla na naka-heightened alert na sila dahil sa panahon ng Kuwaresma.
Sa ngayon ay wala umano silang namo-monitor na banta sa kaligtasan ng publiko.
By Jaymark Dagala | Avee Devierte