Inaasahan ang mas maigting na bakbakan sa pagitan ng mga sundalo at Maute terror group dahil sa lumiliit na sakop na lugar ng mga kalaban sa Marawi City.
Sinabi sa DWIZ ni AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla na huling effort na ng mga Maute group na idepensa ang kanilang hawak na lugar kaya’t aasahan ang mas matinding labanan sa mga susunod na araw.
Batay sa report aniya ng mga nasa Marawi City, dalawang barangay na lamang ang hawak ng Maute – ISIS terror group na indikasyong unti-unting nauubos na ang mga ito.
Malaki pa rin ang paniwala ng opisyal na nasa loob pa rin ng Marawi City ang lider ng grupo na si Isnilon Hapilon at ang magkapatid na Maute dahil kung tumakas ang mga ito ay malinaw na naduwag ang mga ito.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla
Samantala, hindi maaaring basta sugurin ang natitirang tropa ng Maute terror group kahit dalawang barangay na lamang ang hawak ng mga ito sa Marawi City.
Ayon kay Padilla, isinaalang-alang nila ang buhay ng mga bihag na hawak ng mga terorista.
Mahigpit aniya ang bilin ni Pangulong Rodrigo Duterte na hangga’t maaari ay sikaping makuhang buhay ang lahat ng hostages.
Kasabay nito nilinaw ni Padilla na 200 at hindi 300 gaya ng sinabi ng Pangulo ang bihag ng Maute terror group.
Ang natitirang 100 aniya ay mga residenteng maaring patuloy na naiipit sa bakbakan sa loong ng lungsod.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla
Nilinaw naman ng Armed Forces of the Philipines na hindi pa agad-agad makakabalik ang mga bakwit sa Marawi City kahit mayroong go signal na maaari ng bumalik sa ilang bahagi ng lungsod.
Ani Padilla, mayroon ng pahiwatig ang joint task group pero kailangan munang ayusin ang mga protocols para makasigurong maayos ang seguridad ng mga residente.
Pero nilinaw ni Padilla na ang puwedeng balikan lamang ay yaong mga nakatira malapit sa paligid ng Lanao Lake at malayo sa bakbakan.
Prayoridad aniya ay ang mga residente na ang bahay ay nakatayo pa at hindi nasira sa bakbakan ng mga sundalo at Maute – ISIS terror group.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla
- Aileen Taliping