Sang-ayon ang pamunuan ng Inter-Agency Task Force (IATF) na iksian ang oras ng umiiral na curfew sa Metro Manila at ipatupad ang work shift para masunod pa rin ang pagkakaroon ng physical distancing.
Ayon kay IATF Vice Chairman at Cabinet Secretary Karlo Nograles, ang pagpapa-report sa mga manggagawa sa magkakaparehong oras sa kanilang pinagtatrabahuan ay posibleng magpahirap na maipatupad ang distancing lalo’t dahil sa ‘rush hour’.
Habang ang pautay-utay o staggered work shift naman ay maaaring hindi maipatupad kung maagang magsisimula ang curfew, kaya’t nais anito na simulan ang curfew ng ala-1 ng umaga.
Kasunod nito, ani Nograles, kokunsultahin pa nila ang mga Metro Manila Mayors kung pabor ba ang mga ito sa ganitong alituntunin, bagama’t batid ani Nograles ang dahilan ng mga alkalde na magpatupad ng curfew para matiyak ang peace and order sa kani-kanilang mga lungsod.
Iginiit naman ni Nograles, na dapat magpatuloy ang mga negosyante sa pagpapatupad ng work-from-home set-up, habang ang mga pamilihan naman gaya ng groceries, ay payagan ng mas mahabang oras para may mabilhan naman ang mga manggagawa ng kanilang mga pangangailangan.