Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA sa publiko na paghandaan pa ang mas mainit pang panahon sa mga darating na araw na dala ng El Niño o tagtuyot.
Ayon sa PAGASA, posibleng umabot sa 40 degrees celsius o mas mataas pa ang temperatura sa mga susunod na araw lalo na sa bahagi ng Northern Luzon, partikular na sa Tuguegarao, Cagayan.
Samantala imomonitor na rin ng PAGASA ang ‘Human Comfort Index’ kung saan nakapagpapalala pa ang mataas na lebel ng humidity sa init na nararamdaman ng mga mamamayan.
Tinatayang P100-M halaga ng produksiyon ng mga pananim posibloeng malagas dahil sa tagtuyot
Tinatayang isandaang milyong piso ang halaga ng mawawalang produksiyon ng mga pananim sa gitna ng El Niño o tagtuyot sa bansa.
Ito’y batay sa pagtaya ng DA o Department of Agriculture kung saan nasa sampung libong metriko toneladang bigas at mais ang posibleng malagas sa mga pananim dahil sa matinding init ng panahon.
Ayon kay Christopher Morales, chief of field program operational planning division ng DA, minomonitor na ng kanilang kagawaran ang walong probinsya na apektado na ng El Niño.
Kabilang sa mga ito ang cotabato, Occidental Mindoro, Zamboanga Peninsula, Maguindanao, Misamis Occidental at Davao del Sur.
Dagdag pa ni Morales, Nobyembre pa ng nakarang taon nang sinimulang paghandaan ng DA ang pagdating ng tagtuyot.
Magat dam mapipilitang magpatupad ng ‘cut-off’ sa suplay ng tubig
Magpapatupad na rin ng cut-off ng suplay ng tubig ang Magat dam sa Isabela kung magpapatuloy ang epekto ng tagtuyot.
Ayon kay Eduardo Ramos, manager ng Magat dam, kailangan itong gawin upang makaipon ng tubig ang dam para sa susunod na panahon ng sakahan ng mga magsasaka.
Gayunman, pinawi naman ni Ramos ang pangambang ito dahil wala pa naman anya sa critical level ang dam kahit pa bumaba ito kaysa sa normal na antas.
Dagdag pa nito, nauna na silang nagpalabas ng tubig sa ibang palayan sa kanilang nasasakupan kaya’t hindi na ganoon karaming sakahan ang maaapektuhan ng kawalan ng tubig sa mga irigasyon.