Ibinabala ng PHIVOLCS ang karagdagang pinsala sa Abra at iba pang bahagi ng Luzon matapos ang magnitude 7 na lindol.
Ito, ayon kay DOST Undersecretary at PHIVOLCS OIC Renato Solidum, ay dahil sa aftershocks na maaaring magdulot ng karagdagang pinsala, partikular sa epicenter ng pagyanig sa bayan ng Tayum, Abra.
Malakas anya ang nasabing pagyanig at kung ang mga bahay ay may sira at hindi pa tuluyang tumumba ay maaari pa itong mapinsala ng mga aftershock.
Dapat din anyang ma-inspeksyon muna ng mga engineer ang lahat ng mga istruktura upang mabatid kung may mga pinsala, tulad ng bitak sa pader dahil peligroso ang mga aftershock.
Kailangan ding isaayos ang mga bahay o gusaling nasira at kung talagang hindi na kakayanin at ma-condemn ay magpatayo na lang ng bago.
Bukod dito, namemeligro rin ang mga lugar na naapektuhan ng landslides at mga bitak dahil sa paglambot ng lupa.