Magkakasa ng mas malalim at patas na imbestigasyon ang mababang kapulungan ng kongreso sa susunod na taon.
Ito’y para alamin kung paano pinangangasiwaan ng philhealth ang kanilang pondo; mahanapan ng solusyon; at hindi ito maisisi sa sinuman.
Sa pagtatapos ng sesyon sa planaryo ng kamara, sinabi ni House Speaker Martin Romualdez, na malinaw ang adhikain ng pamahalaan na masigurong ang bawat piso ay nagagamit para sa kapakinabangan ng mga miyembro ng PhilHealth.
Ipunto ni Romualdez, na kapag lumabas sa imbestigasyon na underutilized o sobra ang pondo ng state insurer, kanilang isusulong ang pagpapalawak sa benepisyo para sa mga pilipino hanggang sa makamit ang target na zero billing sa lahat ng ospital.
Ipasususpinde rin ng Kamara ang paniningil ng premium payments sa philhealth sa loob ng isang taon kung kakayanin ng kapasidad na maghatid ng serbisyo sa mga miyembro nito.
Bukod pa dito, target ding ibaba ang premium contributions na layong pagaanin ang pasanin ng mga Pilipino na nabibigatan bunsod ng epekto ng inflation.
Iginiit ng mga lider ng Kamara na karapat-dapat lang na maramdaman ng mamamayan na handa ang PhilHealth lalo na sa panahon ng emergency healthcare sa halip na i-hoard o ipitin ang kanilang resources.