Magsasagawa ng mas malalim na imbestigasyon ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa sunog na ikinasawi ng sampung magkakamag-anak sa Barangay Putatan, Muntinlupa City.
Kinilala ang mga biktimang sina Jerome, 65 anyos; Gil, 66; Cherry at Mark Gil, kapwa 39; Ana, 33; Amentues, 16; Leandro Jose, 15; Emmanuel, 12 anyos, Claire at Cherise Ladia.
Ayon kay Muntinlupa City Fire Marshal Supt. Eugene Briones, maaaring abutin ng isa’t kalahating buwan bago matapos ang imbestigasyon sa nasabing sunog.
Kabilang anya sa isasagawa ang otopsiya sa mga nasawi.
Idinagdag ni Briones na fire hazard ang nasunog na bahay ng pamilya Ladia na itinayo noong dekada otsenta sa Larva Street, Bruger Subdivision.
Ito’y dahil masyadong puno ng gamit, mababa ang kisame at kulob na kulob ang bahay, na maaaring dahilan upang mahirapang makalabas ang mga biktima.
Mayroon ding dalawang fire exits ang bahay subalit kapwa umano hindi nagamit ng pamilya para makaligtas o makalabas.