Unti-unti nang mararamdaman ang paglamig ng temperatura sa buong bansa habang papalapit ang Kapaskuhan.
Ito’y makaraang pormal nang i-anunsyo ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) noong isang linggo ang pag-iral ng northeast monsoon o hanging amihan.
Ayon kay Ana Liza Solis, OIC ng PAGASA Climate Monitoring and Prediction Section, asahan nang mas malamig ang mararamdamang temperatura ngayon kumpara noong isang taon.
Mas lalamig pa aniya ang mararamdamang temperatura lalo na sa Metro Manila pagsapit ng Enero hanggang Pebrero ng susunod na taon na siyang peak ng amihan season.
Gayunman, ibinabala ni Solis na kaakibat ng malamig na panahon ang mas malalakas na ulan dahil sa tinatawag na borderline ng La Niña phenomenon.
By Jaymark Dagala