Nagbanta ng mas malawakang tigil-pasada ang grupong PISTON o Pagkakaisa ng mga Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide.
Ito’y ayon kay PISTON President George San Mateo ay oras na aprubahan ng Department of Transportation o DOTr ang omnibus franchising guideline kung saan nakasaad ang scrapping o paggiba sa mga jeep na may edad labinglimang (15) taon pataas.
Ayon kay San Mateo, kanilang ihihirit sa kanilang isinasagawang protest caravan ngayong araw ang ipinangakong diyalogo ng DOTr at LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board kaugnay ng kanilang tinutulang modernisasyon sa mga pampasaherong jeep.
“Sisingilin rin namin ang LTFRB sa palaging pagsasabi na nakipag-dialogue na sila sa amin at sinabi naman namin na may dialogue pero inatsapuwera nila kami, wina-warningan natin ang DOTR na kapag pinirmahan nila ang omnibus franchising guidelines ay naghahanda tayo ng mas malawakang kilos-protesta.”Ani San Mateo
Tiniyak rin ni San Mateo na walang maapektuhang pasahero sa kanilang isinasagawang protest caravan kasabay ng pagbubukas ng klase ngayong araw.
“Meron tayong tigil-pasada sa lalawigan ng Aklan, Capiz, Antique at Iloilo pero sa Isabela, Laguna, Albay, Cebu, Bacolod at Davao, mga protest caravan ang gagawin natin diyan, ina-assure natin ang mga kababayan natin sa Metro Manila na walang maaapektuhang bata ngayong pagbubukas ng klase.” Pahayag ni San Mateo
By Krista de Dios | Ratsada Balita (Interview)
Mas malawakang tigil-pasada ibinabala was last modified: June 5th, 2017 by DWIZ 882