Patuloy na binabantayan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS ang bulkang Mayon dahil sa sunod-sunod na pag-aalburuto nito.
Ngayong alas-5:00 ng madaling araw lamang ay muling namataan ang ‘lava fountaining’ sa bunganga ng bulkan.
Bago ito, naitala rin ang lava fountain na may taas na 500 hanggang 700 metro dakong alas-9:40 kagabi kasabay ng apat na kilometrong taas na ash plume.
Ayon kay PHIVOLCS Director Renato Solidum posible pa ang mas mapanganib na pagsabog ng bulkan sa loob ng ilang oras o araw.
Pinalawig na ang danger zone sa walong kilometro mula sa dating pitong kilometro.
“Under alert level 4, ginawa na nating 8 kilometro ang sakop ng danger zone at asahan ang patuloy na pag-aalburuto ng bulkang Mayon, matindi yan at sunod-sunod.”
“Ang binabantayan natin ay ang sunod-sunod at mabilisang pagbaba ng mga bato at lava mula sa tuktok ng bulkan.” Pahayag ni Solidum
Kahapon, umabot ng sampung kilometro ang taas ng ash column na ibinuga ng bulkan at sinabayan na ito ng peligrosong pyroplastic flow o pag-daloy ng napaka-init na mga bato, buhangin at abo …ito na ang naitalang pinakamalakas na pagsabog simula nang magpakita ng aktibidad ang bulkan noong January 13.
Kasabay nito nakataas na rin ang alerto ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC.
Ayon sa ahensya, lahat ng concerned agencies ay dapat nang manatili sa operation center ng NDRRMC para i-monitor ang mga kaganapan sa paligid ng bulkang Mayon.
Sa ngayon ay kanselado na ang pasok sa ilang lugar sa Albay dahil sa manaka-nakang ash fall partikular sa malaking bahagi ng ikatlong distrito ng lalawigan.
“Basang bimpo kung wala nang gas mask”
Samantala, hinikayat ng NDRRMC ang mga residente sa Albay na apektado ng ash fall mula sa bulkang Mayon na palitan na ang mga overused na gas mask.
Kasunod ito ng muli na namang pagbuga ng abo ng bulkan kahapon na nagdulot pa ng zero visibility sa ilang kalsada sa Albay.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Romina Marasigan, kung wala nang gas mask maaaring gumamit ng basang bimpo o panyo bilang pantakip sa bibig and ilong oras na magkaroon muli ng pag-ulan ng abo.
Lubha kasi anyang delikado sakaling makalanghap ng abo mula sa bulkan na maaaring magdulot ng hika.
–(Ulat ni Jonathan Andal)