Mas marami pang lugar sa Marawi City ang patuloy na nakukubkob ng militar sa patuloy na pakikipag bakbakan sa Maute group.
Ayon kay Lt. Col. Jo-Ar Herrera, Spokesman ng Task Force Marawi , bumaba na sa animnapu (60) hanggang pitumpu (70) na lamang ang puwersa ng Maute mula sa naunang pagtaya nila na humigit kumulang walumpu (80).
Dahil dito, tiniyak ni Herrera ang mas matindi pang pakikipagsagupaan sa teroristang grupo hanggang tuluyang mabawi ang Marawi City at tuluyang malumpo ang Maute group.
Halos animnapung (60) gusali na sa Marawi City ang aniya’y na-clear na ng mga awtoridad at kailangan pang i-clear ang halos limandaang (500) istruktura sa lungsod.
Ayon naman kay AFP o Armed Forces of the Philippines PIO Chief Col. Edgard Arevalo hanggang kahapon ay pumapalo na sa apat na raan at limang (405) teroristang Maute ang napapatay nila sa Marawi City at mahigit limandaang (500) armas ng grupo ang kanilang narerekober.
By Judith Larino
Mas marami pang lugar sa Marawi City nabawi na ng militar was last modified: July 17th, 2017 by DWIZ 882